2 pulis kinotongan PWD, sinibak sa puwesto

MANILA, Philippines — Tinanggal na sa puwesto ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang pulis na nag-viral sa pangongotong ng P3,000 sa isang person with disability (PWD) na delivery rider sa lungsod.
Sinabi ni QCPD Acting Director, PCol. Randy Glenn Silvio, ang dalawang pulis na sinibak at kinasuhan ng robbery extortion ay nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit ng Talipapa Police Station 3 ng QCPD.
Sa viral video, isang nagpakilalang Piolo Alonzo na delivery rider ang nagsabing bandang alas-10:35 ng gabi nang magtungo siya sa palengke para bumili ng gamot subalit hinarang ng mga pulis at sinabing checkpoint.
Ipinarada ng biktima ang kanyang motor habang dinala umano siya ng isang pulis na malaki ang katawan sa madilim na lugar saka kinapkapan at pilit na hinahanapan ng shabu.
Nang sabihin ng biktima na wala siyang itinatagong shabu ay hinalukay umano ng mga pulis ang bag nito saka kinuha ang P3,000 na kinita niya sa delivery.
Nagulat na lamang ang biktima ng makitang P100 na lamang ang laman ng kanyang bag.
“As of today, the involved personnel will be referred to the Prosecutors Office and reassigned to the District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) for verification to determine any possible involvement related to the complaint,” batay sa inilabas na pahayag ng (QCPD).
- Latest

















