Pasig City General Hospital, nasunog: Mga pasyente inilikas
MANILA, Philippines — Nasunog ang Pasig City General Hospital kung saan agad namang inilikas ang mga pasayente rito, kahapon ng umaga.
Batay sa ulat ng Pasig City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-10:33 ng umaga nang magsimulang sumiklab ang sunog sa pagamutan, na matatagpuan sa Brgy. Maybunga.
Ayon kay Pasig City Fire Director Supt. John Pinagod, nagsimula ang sunog sa storage room ng pagamutan na matatagpuan sa ikaapat na palapag nito.
Sa nasabing storage room umano nakaimbak ang mga medical supplies ng pagamutan, gaya ng mga heringgilya, dialysis solution, formalin, alcohol, detergent powder, mga unan, kumot at iba pa nilang suplay.
Kaagad namang inilikas ang mga pasyente ng pagamutan sa ibang bahagi ng pagamutan.
Dakong alas-11:19 ng umaga nang iakyat ang sunog sa ikatlong alarma at naideklarang under control pagsapit ng ala-1:19 ng hapon.
Pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ay saka lamang tuluyang nakapagdeklara ng fireout ang BFP. Inaalam pa naman ng mga imbestigador ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy, gayundin ang pinagmulan ng sunog.
- Latest