Namatay na ostrich dahil sa stress, inadobo
MANILA, Philippines — Inadobo umano ang karne ng isa sa dalawang ostrich na unang namataang pagala-gala sa isang subdibisyon sa Quezon City at malaunan ay namatay dahil sa stress.
Inamin ni Atty. Charlie Pascual, na abogado ni Jonathan Cruz, may-ari ng ostrich, na kinarne at ginawang adobo ng mga tauhan ni Cruz ang namatay na ostrich.
Nabatid na nang malaman ni Cruz na namatay ang ostrich ay inutusan niya ang kanyang mga tauhan na ilibing ito.
Gayunman, nagulat na lang umano ang may-ari nang malaman na sa halip na ilibing ay kinarne at inadobo ng mga tauhan ang ostrich kaya’t wala na itong nagawa.
Matatandaang noong Agosto 4, na unang araw nang muling pag-iral ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, ay namataan ang dalawang ostrich, na isang lalaki at isang babae, na pagala-gala sa Mapayapa Village 3, Quezon City.
Isa sa mga ito ang nakuhanan ng video at ipinaskil sa social media, kaya’t nag-viral pa.
Kaagad rin namang nahuli ang mga ostrich ng ilang security guard ng subdibisyon.
Malaunan, inamin ni Cruz na namatay ang isa sa mga ostrich dahil sa stress, habang ang isa pa ay itinurn-over na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para maalagaang mabuti.
- Latest