Suspek sa Tondo fire na ikinasawi ng 6 katao, sumuko
MANILA, Philippines — Hawak na ngayon ng Manila Fire District (MFD) ang suspek sa panununog ng isang bahay sa panulukan ng Yuseco at Katamanan Sts., Tondo, Maynila, noong nakalipas na Huwebes ng madaling araw.
Ayon kay Arson investigator SFO4 Victor Bag-id, isasailalim sa inquest proceedings sa kasong Arson o paglabag sa Presidential Decree no. 1613 ang suspek na si Eduardo “Doy” Loteyro, sa Manila Prosecutor’s Office.
Ang kaso ay non-bailable offense na may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo base sa isinasaad ng PD 1613, “Sec. 5. Where Death Results from Arson. If by reason of or on the occasion of the arson death results, the penalty of Reclusion Perpetua to death shall be imposed”.
Madaling araw nitong Linggo nang puntahan ni Manila Mayor Isko Moreno sa isang bahay sa Sta. Cruz, Maynila ang suspek na si Loteyro kasunod ng ipinadala nitong surrender feeler.
Agad naiturn-over sa Manila Police District-Homicide Section si Loteyro subali’t ipinadala rin siya sa San Lazaro Manila Fire District Station dahil hindi ito hurisdiksyon ng Philippine National Police kundi ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Gayunman, sinabi ni SFO4 Bag-id na ginagawa na nila ang formal request para kay MPD director P/Brig. General Bernabe Balba na mailipat ng custody sa MPD si Loteyro pagkatapos ng inquest proceedings.
Matatandaang alas-2:30 ng madaling araw nang magsimula ang apoy ng ikalawang palapag na bahay kung saan nakatira ang suspek at nadamay ang nasa 20 pang kabahayan. Ikinasawi ito ng mag-iinang sina Odessa Conde, 36 at mga anak na sina Yhancy Kieffer, 8; Yara Courtney, 9; at Yhexel George, 10; pinsan ni Odessa na person with disability na si Jean Paul Esguerra, 42; at isang Aquelina Romero Javana, 44 taong gulang.
- Latest