2 Indian na holdaper ng kapwa Indian, kalaboso
MANILA, Philippines — Dalawang Indian national na nanghoholdap umano ng kapwa nila Bombay na nagpapautang ang nasakote ng mga otoridad habang nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasamahan sa isinagawang operasyon kamakalawa ng tanghali sa Caloocan City.
Ang mga naaresto ay sina Harjot Singh, 21 at Gurwinder Singh, 24, kapwa tumanggi sa pulisya na sabihin ang kanilang address dito sa Pilipinas. Patuloy namang kinikilala ang dalawa pa nilang kasamahan.
Nakilala naman ang kanilang mga biktima na sina Manjot Singh, 27, at Jadeeg Singh, 27, kapwa nakatira sa Northpark Subdivision, North Fairview, Quezon City.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:00 ng tanghali noong Sabado nang harangin at tangkaing holdapin ng apat na suspek na armado ng baton sword at bakal na baton ang biktimang si Manjot habang sakay ng kanyang motorsiklo sa may Old Zabarte Rd sa Brgy. 175, Caloocan.
Nagawa namang makatakas ni Manjot nang magtatakbo at iwan ang kanyang motorsiklo saka dumiretso sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya para magreklamo.
Agad na rumesponde ang mga pulis at tinungo ang lugar at natiyempuhan ang dalawang suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Sa loob ng presinto, nabatid din na ang mga suspek ang nambugbog at tumangay ng P25,000 buhat sa biktimang si Jadeeg na sumulpot sa presinto upang ireklamo ang dalawa.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong Robbery Hold-up at Grave Coercion sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
- Latest