Kano natagpuang patay sa hotel
MANILA, Philippines - Isang 58-anyos na American national ang natagpuang patay sa loob ng kanyang tinuÂtuluyang hotel sa Malate, Maynila kamaÂkalawa. Hinihinala ng pulisya na may dalawang araw nang patay ang biktima na kinilalang si Isidro Ortiz, ng San Fancisco California, USA, na nanunuluyan sa Room 304 Lovely Moon Pensioner Inn, sa #1718 J. Bocobo St., Malate, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Mario Asilo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:00 ng tanghali nitong Sabado nang malaman ng room attendant na si Ronalyn Bravante na patay na ang biktima nang tangka niyang singilin para sa hotel bill.
Unang tinawagan ito sa telepono at nang walang sumasagot ay kinatok ng ilang ulit dahil naka-lock ang pinto.
Dahil dito, ginamitan na ng duplicate key ang silid upang mabuksan at dito tumambad sa kanila ang nasabing Amerikano na nakahiga at walang pang-itaas na damit at hindi gumagalaw.
Huling nakitang buhay ang biktima noong Setyembre 4, nang lumabas siya sa kanyang silid para magbayad ng bill at muling pumasok sa kanyang kuwarto. Walang nakitang indikasyon na may foul play sa kaso at lumalabas na nasawi dahil sa atake sa puso. Hawak ng Homicide Section ang mga naiwang kagamitan ng biktima habang nakikipag-ugnayan sa US Embassy para sa disposisyon sa mga labi nito.
- Latest