2 pang lalaki tinaniman ng bala sa ulo

MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng lalaking kapwa may mga tama ng bala sa katawan ang natagpuan, sa magkahiwalay na lugar sa Maynila, kahapon.

Unang natagpuan ang isang hindi pa kilalang lalaki na may tama ng bala sa kanang kamay at kanang kili-kili dakong alas-2:50 ng madaling-araw sa panulukan ng Tayuman at Oroquieta Sts., sa Sta. Cruz, Maynila.

Inilarawan ang lalaki sa edad na 35-40, may taas na 5’8’’, payat, maitim, may tattoo na “Melgie” sa kanang kamay at simbolo ng “Commando gang” naman sa kanang hita.

Sa inisyal na ulat ni SPO2 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, nakarinig ng magkakasunod na putok ang security guard na kinilalang si Ermel Lagman, sa kanto ng Tayuman at M. Natividad Sts., at nang labasin niya ay nakita ang nakahandusay na katawan ng lalaki at duguan, nakasuot ng itim na shorts at kulay blue na t-shirt, sa tapat ng Our Lady of Manaoag store na nasa Tayuman St.

Samantala, dakong alas-6:00 ng umaga rin kahapon ay isang Omar Mendoso, 23, ng Aplaya, Baseco Compound, ang natagpuan ng isang residente sa bahagi ng aplaya na walang buhay at may tama ng bala sa ulo.

Wala ring nais magsalita ukol sa insidente kaya nahihirapang matukoy ang motibo at kung sino ang salarin.

Show comments