Ginang sinalag ang tarak para kay mister

MANILA, Philippines - Isang ginang ang malubhang nasugatan nang salagin nito ang saksak na dapat sa kanyang mister mula sa nakaaway na kapitbahay sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Marjorie Rogame, 45, ng Brgy. Bignay ng nasabing lungsod na ginagamot sa Valenzuela­ General Hospital sanhi ng saksak sa katawan buhat sa isang patalim.

Hinahanting naman ng mga kagawad ng Valenzuela City Police ang suspek na si  Rejesus L. Reyes, 26, kapitbahay ng  biktima.

Naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid na ang mister ng biktima na hindi na bi­nanggit ang pangalan  at ang  suspek ay nag-uusap hanggang sa humantong sa mainitang pagtatalo.

Dito ay lumapit ang biktima upang awatin ang pag-aaway ng dalawa, gayunman bumunot ng patalim ang suspek at sasaksakin sana nito ang mister ng biktima, subalit nasalag ng ginang kaya ito ang nasugatan.

Show comments