Indian airline executive, utas sa riding in tandem

MANILA, Philippines - Muling sumalakay ang kilabot na riding-in-tandem makaraang mapatay ng mga ito ang isang 23-anyos na Indian national, kama­ka­lawa ng hapon sa Parañaque City.

Namatay kaagad ang biktimang si Raheel Muhamed Ali Shaikh, ng Bricktown Vil­lage, Brgy. Moonwalk at Vice President ng Aero Majestic Airways Inc. sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis namang tumakas ang dalawang salarin lulan ng isang motorsiklo patungo sa gawi ng NAIA Avenue.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Parañaque police, hinintuan ng dalawang suspect na kapwa nakasuot ng itim na jacket at full face helmet ang biktima habang naglalakad sa kahabaan ng Acces Road sa Multinational Village, Brgy. Sto Niño dakong alas-4:25 ng hapon at bigla na lamang pinagbabaril ang huli.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa naturang pa­mamaslang bagama’t may hinala na may kaugnayan sa kanyang tungkulin bilang opisyal ng kompanya ang dahilan ng krimen.

Show comments