Paslit lunod sa swimming pool, patay
MANILA, Philippines - Patay ang isang 9-anyos na batang lalaki makaraang malunod sa swimming pool ng Pasay City Sports Complex, kamakalawa ng hapon.
Tinangka pang isalba ng mga nakatalagang life guard sa pamamagitan ng aplikasyon ng cardio-pulmonary resuscitation (CPR) ang biktimang si Gideon David saka isinugod sa Pasay City General Hospital ngunit hindi na rin ito umabot ng buhay.
Batay sa report ni SPO2 Allan Valdez ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay police, nagtungo sa naturang sports complex sa Derham Park sa Libertad St. ang biktima kasama ang mga kaanak pasado ala-1 ng hapon upang mag-swimming.
Nagpaalam naman umano si David sa magulang na lulusong sa bahagi ng pool na may lalim na 4 feet. Subalit ilang sandali lang ay nakarinig na sila ng pagkakagulo at pagsilbato ng life guard hanggang iahon na sa gilid ng pool ang wala ng malay na biktima.
Inaalam naman ng pulisya sa imbestigasyon kung may dapat ding panagutan bunga ng kapabayaan ang pamunuan ng naturang sports complex, pati na ang mga nakatalagang life guard sa nangyaring trahedya.
- Latest
- Trending