Dahil sa treasure hunting: PSBA sa QC ipapasara

Nagbanta kahapon ang Quezon City government na ipapasara ang operasyon ng Philippine School of Business Administration (PSBA) sa Quezon City dahil sa ilegal na pagsasagawa ng treasure hunting sa looban ng nabanggit na paaralan.

Ito ang sinabi ni QC Councilor Dante de Guzman na siya ring chairman ng Blue Ribbon Committee na nagsasagawa ng pagbusisi sa usaping ito.

Ayon kay de Guzman, agad nilang ipasasara ang naturang paaralan kapag nagpatuloy sa pag-isnab sina PSBA owner Atty. Benjanim Paulino at chairman on the board nitong si Danny Florencio na dumalo sa kanilang isinasagawang pagdinig hinggil sa usapin ng paghuhukay sa paaralan na sinasabing may Yamashita treasure.

Layunin ng imbestigasyon na maparusahan ang mga nagkasala dito at maproteksyunan ang kapakanan ng libu-libong mag-aaral sa malaking hukay na ginawa nina Paulino na maaaring magdulot ng landslide o pagbagsak ng lupa.

Sinabi pa ni de Guzman na tanging ang tanggapan lamang ng Pangulo ang maaaring magbigay ng awtorisasyon sa sinuman para magsagawa ng treasure hunting sa alinmang lugar sa bansa. (Angie dela Cruz)

Show comments