Anak inasinta ng bato ang ina,patay

Napatay ng isang 18-anyos na anak ang kanyang sariling ina makaraang pagalitan ng huli ang una dahil lamang sa nagkalat na dumi ng alagang aso nito, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Namatay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital si Gina Frumentera, 42, samantalang agad namang nadakip ang anak nitong si Tony, may-asawa, ng Isla Puting Bato ng nasabing lugar.

Naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa kanilang bahay.

Ayon sa pulisya, kinagalitan umano ng biktima ang kanyang anak dahil sa pagala-gala sa loob ng bahay ang mga alaga nitong tatlong malalaking aso at limang tuta.

Nabatid na naaburido na rin ang ina sa paglilinis ng bahay kung kaya dahil sa init ng ulo nito ay kumuha ng kahoy at pinagpapalo ang anak.

Nagdilim naman ang paningin ng suspect kung saan dumampot ito ng tipak ng bato at saka binato ang ina na tinamaan sa likuran na naging dahilan ng kanyang kamatayan. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments