Pro-Iraq binoga ng ka-debateng pro-US

Isang tricycle driver ang pa-traydor na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang naka-debate patungkol sa posibleng pagsiklab ng digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iraq, kamakalawa ng gabi sa Navotas.

Patay na nang idating sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tama ng bala ng baril ang biktima na nakilalang si Oliver Espinar, 25, ng Area 3 ng Dagat-Dagatan, Malabon.

Pinaghahanap naman ng Navotas police ang suspect na si Manolo Conje, 35, ng D-15 Kapitbahayan, Navotas.

Sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa Plaza ng Kapitbahayan.

Nabatid na bago ang krimen, si Espinar, ang suspect na si Conje at iba pang mga tricycle driver ay nagpapapalitan ng opinyon hinggil sa posibleng digmaang magaganap sa pagitan ng US at Iraq.

Ipinagtanggol umano ng suspect ang America sa gagawing paglusob sa bansang Iraq dahil nagtatago ito ng nakakapuksang mga armas nukleyar.

Hindi umano sumang-ayon ang biktima sa suspect at sinabing maraming buhay ang masasalanta kung sisiklab ang digmaan, hanggang sa mauwi sa pagtatalo sa usapang pilosopo.

Dahil dito, nagpasya ang biktima na talikuran na lamang ang suspect para hindi na humaba ang usapan, subalit ikinagalit ito ng huli kung kaya mabilis na binunot ang kanyang baril at hinataw sa batok ng biktima.

Hindi pa nasiyahan at tuluyan nitong pinagbabaril ang biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments