Pulis nanutok ng waiter matapos singilin ang chit

May posibilidad na matanggal sa serbisyo ang isang pulis-probinsiya matapos nitong tutukan ng baril ang isang lalaki na sumisingil lang sa kinain nito na nagkakahalaga ng P26 sa isang karinderya kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Ang suspek na nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ay nakilalang si PO2 Rodolfo Bucog ng PNP-Region 5, Camp Simeon Ola sa Legaspi City.

Ang nagharap dito ng reklamo ay nakilalang si Jesus Deligero, waiter ng Pildera II, NAIA Road.

Ang insidente ay naganap dakong alas-12:30 ng madaling araw matapos na singilin ng biktima ang suspek sa kinain nito na nagkakahalaga ng P26.00.

Sa hindi malamang kadahilan ay biglang nagalit ang suspek at tinutukan ng baril ang biktima sa ulo.

Nagresponde ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan at kanilang inaresto ang suspek. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments