Housemaid napikon sa houseboy, tinarakan

Isang houseboy ang pinatay sa saksak ng kasamahan nitong katulong na dalaga matapos umanong asarin at tuksuhin ng una ang pagiging ngongo ng huli, kamakalawa ng gabi sa bayan ng Taguig.

Hindi na umabot pang buhay nang isugod sa Pateros District Hospital ang biktima na nakilalang si Walter Surtidoz, alyas Wilson, 20, stay-in house boy sa Ishihara Apartment, Rogar St., Maharlika Village ng nabanggit na bayan matapos magtamo ng saksak sa katawan.

Samantala, ang suspect na nakilalang si Virginia Celestial, alyas Virgie, 23, na naninilbihan ding katulong sa nabanggit na lugar ay agad na nadakip ng pulisya matapos ang isinagawang krimen.

Base sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi kamakalawa.

Nabatid na magpapahinga na noon si Virgie nang asarin at tuksuhin ng biktima sa pagiging ngongo nito. Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa mapikon ang biktima at suntukin umano sa mukha ang suspect dahilan naman upang pagdimlan ito ng paningin hanggang sa makahagilap ng isang kutsilyo at inundayan ng saksak ang biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments