Abra Weavers ginulat Hong Kong sa EASL
MANILA, Philippines — Humabi ng kasaysayan ang bagitong Abra Weavers matapos umiskor ng 79-72 panalo kontra sa dayong Hong Kong Eastern sa unang salang nito sa East Asia Super League ((EASL) Home and Away Season 4 kamakalawa ng gabi sa SM Seaside Cebu Arena.
Bukod sa EASL ay ito rin ang kauna-unahang international game ng pambato ng MPBL subalit pinatunayang kaya nilang makipagsabayan sa pinakamalulupit at maanngas na pro league sa Asya.
Sa mando ni coach Yong Garcia, talon sa 1-0 kartada ang Abra sa Group C ng 12-team league tampok ang kampeon ng kada liga sa East Asia tulad ng Japan, South Korea, Hong Kong, Taiwan at Macau.
Bilang MPBL champion ay Weavers ang naging kinatawan ng Pinas at hindi ito sinayang ng koponan sa tulong din ng Cebuanos sa homecourt advantage sa pinakabagong arena sa Queen City of the South.
Bumandera sa Weavers ang dating Rain or Shine import na si Jaylen Johnson at Jordan national team star Freddie Ibrahim na pawang may tig-14 puntos habang may 13 rin si DJ Fenner.
Hindi rin nagpahuli ang naturalized Filipino na si Malick Diouf na may 12 puntos para sa Weavers.
Sa ngayon, balik-aksyon muna sa MPBL ang Weavers upang ipagpatuloy ang dominasyon bilang No. 1 seed hawak ang 24-2 kartada.
- Latest

















