Marcos admin sinisi ni VP Sara sa school shootings
MANILA, Philippines — Binatikos at hayagang isinisi ni Vice President Sara Duterte sa administrasyong Marcos ang serye ng pamamaril sa mga paaralan sa bansa.
Ito ang naging pahayag kahapon kasunod ng naganap na trahedya sa Banga National High School sa South Cotabato noong Setyembre 18 na ikinasawi ng tatlong mag-aaral.
Ayon kay VP Duterte, ang insidente ay pangatlong school shooting na sa bansa sa loob ng huling tatlong buwan (kasunod ng mga katulad na kaganapan sa Tacloban at Zamboanga).
Anya ang mga krimen ay sumasalamin sa “laganap na karahasan sa lipunan na pinalalala ng kabiguan ng pamahalaan” na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Inakusahan din ni Duterte ang administrasyong Marcos na mas nakatutok sa “political survival” at “political consolidation” sa halip na sa tunay na paglilingkod at pagpapatupad ng kaayusan.
Diretsahang sinabi ni Duterte na sa kasalukuyang administrasyon “mas madali ang maging inutil, magnakaw, at magsamantala kaysa magsilbi nang tapat sa bayan.”
Giit pa ni VP Sara, binigo ng administrasyong Marcos ang mga biktima at survivors ng South Cotabato tragedy.
Babala pa niya, mas marami pang kabataan ang nananatiling nasa panganib na mabiktima ng kapabayaan at kawalan ng kakayahan ng pamahalaan.
Nagtapos ang kaniyang pahayag sa pagsasabing nararapat ang mga Pilipino sa mas mahusay na pamumuno (“We deserve better leadership than this”).
- Latest



















