Himala: maysakit na ina, gumaling! (Last Part)
LALONG tumibay ang pananalig ko kay Virgin Mary. Naniniwala ako na pagagalingin niya si Mama sa breast cancer. Hindi hahayaan ni Virgin Mary na mawala ang aking mapagmahal na ina.
Halos araw-araw ay nagdarasal ako at nagrorosaryo. Nagsisimba lagi ako sa Baclaran Church para sa mabilisang paggaling ni Mama sa kanyang sakit.
Nakikiusap ako kay Virgin Mary na dugtungan pa ang buhay ni Mama. Gusto kong makapiling siya nang matagal.
Patuloy din naman sa pagtitinda sa palengke si Mama kahit may iniindang sakit. Pinayuhan ko na huwag nang magtinda pero patuloy pa rin siya. Kaya pa naman daw niya.
Pero nang makaramdam si Mama nang grabeng pagkapagod, kusa na rin itong tumigil at ako na ang nagtinda. Ipinasya kong tumigil sa pag-aaral. Mas kailangan ni Mama ang pangangalaga ko.
Patuloy ako sa walang tigil na pagdarasal kay Virgin Mary.
Sa araw ng check-up ni Mama, hiniling ng doktor na sumailalim muli sa breast examination si Mama.
Ginawa ang breast examination. Habang ginagawa iyon, walang tigil ang dasal ko kay Virgin Mary.
Makalipas ang isang linggo, lumabas ang resulta ng breast examinations. Wala nang cancer si Mama! Walang trace na nakita.
Maging ang oncologist ay hindi makapaniwala sa resulta.
Ilang test pa ang ginawa kay Mama at gaya nang unang examination, naglahong parang bula ang breast cancer.
Sinagot ni Virgin Mary ang kahilingan ko. Isang himala ang nangyari kay Mama. Salamat Mama Mary!
- Latest
















