EDITORYAL – Maghanda sa pagtanda
NAGBABALA ang Commission on Population and Development (CPD) kamakailan na kapag nagpatuloy ang mababang fertility rate ng Pilipinas, maaaring kumonti sa hinaharap ang mga manggagawa at taxpayers na susuporta sa pension, health insurance at iba pang benepisyo para sa tumatandang populasyon.
Sa madaling salita, hindi lang ito usapin ng mas kaunting ipinanganganak na mga sanggol ngayon.
Usapin din ito ng kung sino ang susuporta sa mas matandang Pilipinas sa hinaharap.
May pag-aaral na bumaba sa 1.7 anak kada babae ang fertility rate ng bansa noong 2025, mula 1.9 noong 2022. Mas mababa na ito sa 2.1 na tinatawag na replacement level, ang antas na kailangan upang manatiling halos pareho ang laki ng populasyon sa susunod na henerasyon.
Kasabay nito, tumatanda na ang populasyon ng Pilipinas. Noong 2024, umabot sa 7.4 milyon ang mga Pilipinong edad 65 pataas, habang 11.42 milyon naman ang edad 60 pataas.
Pero hindi pa ito dahilan para mabahala.
Malaki pa rin ang working-age population ng bansa. Halos 75 milyon o 66.7 porsiyento ng household population noong 2024 ay nasa edad 15 hanggang 64. Ibig sabihin, may panahon pa tayong maghanda bago mas lumaki ang bilang ng mga retiradong senior citizens kumpara sa mga nagtatrabaho.
Kaya rito dapat kumilos ang gobyerno ngayon.
Habang marami pa ang nasa working age, kailangang pagbutihin ang edukasyon, skills training, healthcare, trabaho at social protection.
Kung mas malusog, mas produktibo at mas may ipon ang kasalukuyang manggagawa, mas handa rin sila pagdating ng kanilang pagtanda.
Ito rin ang direksiyong itinutulak ng PIDS at CPD: gamitin ang kasalukuyang demographic advantage para mag-invest sa human capital.
Hindi simpleng “mag-anak nang mas marami” ang sagot. Dapat manatiling desisyon ng bawat pamilya kung kailan at ilan ang gusto nilang anak.
Ang hamon ay hindi pigilan ang pagtanda ng populasyon ng Pilipinas. Ang hamon ay tiyaking bago tayo tumanda bilang bansa, handa na ang sistemang susuporta sa atin.
Kung walang susuporta, saan patungo ang tumatandang bansa? Nararapat na pagtuunan ito ng pansin ngayon pa lamang. Nararapat itong paghandaan ng pamahalaan.
- Latest




















