UP tinambakan ang Adamson; UE wagi sa UST

MANILA, Philippines — Ipinagpatuloy ng nagdedepensang University of the Philippines ang kanilang arangkada habang tinapos ng University of the East ang tatlong sunod na kamalasan.
Pinatumba ng Fighting Maroons ang Adamson Soaring Falcons, 91-70, at dinomina ng Red Warriors ang University of Santo Tomas Growling Tigers, 81-51, sa second round ng UAAP Season 85 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Humakot si foreign athlete Malick Diouf ng career-best na 20 points bukod sa 8 rebounds at 5 steals para sa 8-1 record ng UP na naghulog sa Adamson sa 3-5 karta.
“We need to improve iyong defense namin. I think they made 45 points noong first half,” wika ni coach Goldwin Monteverde sa kanyang Fighting Maroons na nadikitan ng Soaring Falcons sa halftime, 45-50.
Isang 14-4 bomba ang inihulog ng UP sa third quarter sa pangunguna ni Carl Tamayo para iwanan ang Adamson sa 64-51 sa huling 3:01 minuto nito.
Sa unang laro, kumabig si CJ Payawal ng 17 points sa second half para sa UE (4-5) at may 16 markers si Luis Villegas para sa paggiba sa UST (1-7).
“We all know na medyo down ang morale nila, pero iyon ang nakakatakot eh. Parang no pressure for them ang game,” ani Red Warriors’ coach Jack Santiago sa Growling Tigers.
- Latest



















