‘Tagong yaman’ vs Sara, pinakamalinaw na kaso

MANILA, Philippines — Iginiit ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na tama ang naging desisyon ng House prosecution panel na ituon ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sa alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman o “unexplained wealth.”
Ayon kay Cendaña, ito ang pinakamalinaw at pinakamadaling maunawaan ng publiko kumpara sa iba pang reklamong una nang isinama sa impeachment case. Bago pansamantalang itinigil ang paglilitis, binawi ng prosecution panel ang iba pang alegasyon kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, panunuhol at matinding pagbabanta, kaya ang usapin ng yaman na hindi maipaliwanag na lamang ang pagdedesisyunan ng Senate impeachment court.
“Pinakamadaling ipaliwanag ang hindi maipaliwanag na yaman. Sa totoo lang, naiisip ko nga, hindi lang kaya ito hindi maipaliwanag, kundi ayaw ipaliwanag dahil may itinatago?” ani Cendaña.
Gayunman, nilinaw niyang hindi nangangahulugang ligtas na si Duterte sa iba pang alegasyon dahil lamang hindi na ito bahagi ng impeachment case.
Aniya, maaari pa ring ituloy ang iba pang legal na hakbang, kabilang ang mga imbestigasyong isinasagawa ng Office of the Ombudsman.
Samantala, sinabi ni House trial adviser at spokesperson Robert Ace Barbers na naghahanda na ang prosecution panel para sa posibleng pag-cross examine kay Duterte kung ihaharap siya ng defense team bilang testigo sa pagpapatuloy ng impeachment trial.
Ayon kay Barbers, nakapokus ang kanilang mga katanungan sa umano’y hindi maipaliwanag na paglobo ng kayamanan ng Bise Presidente, kasama ang mga hindi idineklarang assets at posibleng ipinagbabawal na interes sa negosyo.
Umaasa rin si Barbers na personal na sasagot si Duterte sa mga alegasyon upang mabigyang-linaw ang mga isyung matagal nang itinatanong ng publiko. Kabilang sa mga ebidensyang inihain ng prosecution ang SALN, income tax records, corporate filings at bank documents na sinuri ng forensic accounting expert na si Atty. Alexander Cabrera, kung saan umano’y natukoy ang P817.87 milyong paglobo ng yaman ni Duterte.
Inaasahang magpapatuloy ang impeachment trial sa Senado sa Nobyembre 9 kung kailan ilalahad ng kampo ni Duterte ang kanilang depensa.
- Latest
















