Group B top seed target ng Magnolia sa RoS
MANILA, Philippines — Mag-aagawan sa tuktok ng kanilang mga grupo ang apat na koponan sa segunda sa huling bakbakan ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Unang sasabak ang NLEX (9-2) at San Miguel (8-3) ngayong alas-5:15 ng hapon para sa liderato ng Group A, habang magdidikdikan ang Magnolia (6-3) at Rain or Shine (5-3) sa main game ng bigating double-header sa alas-7:30 ng gabi para sa primera puwesto sa Group B.
Kinapos ang Magnolia sa RoS, 97-98, sa una nilang pagtutuos subalit dahil sa mas mataas na rekord ay kailangan lang manalo ilan man ang bentahe upang masiguro ang No. 1 seed para sa 7-3 kartada.
Mapananatili naman ng Elasto Painters ang pag-asa sa top spot kung magwawagi dahil may isa pa itong laban kontra sa Phoenix (5-4) sa huling laro sa Biyernes.
Parehong pasok na sa Group B ang Magnolia, Rain or Shine at Phoenix, habang karambola para sa huling upuan ang Ginebra (4-5), Meralco (4-6) at Blackwater (3-6).
Kumpleto na rin ang cast sa Group A tampok ang NLEX, SMB, Converge (8-4) at reingning champion TNT Tropang 5G (7-5) para sa best-of-five crossover quarterfinals kontra sa mga pambato ng Group B.
Subalit upang mahablot ang No. 1 seed sa NLEX, kailangang manalo ng Beermen ng 15 points o higit pa matapos ang 96-110 kabiguan sa Road Warriors sa first round.
“Whatever happens, kahit No. 1 or No. 2, we should be okay pero we’d still be going for a win kasi, sabi ko nga sa team, always go for the win, kahit no-bearing, para ‘iyung sharpness hindi mawala,” ani SMB mentor Leo Austria.
“Last game ng eliminations para sa amin so kailangan pumukpok,” dagdag nito.
- Latest


















