Gentle Dance tatakbo sa “Grand Derby”
MANILA, Philippines — Makikipagtagisan ng bilis ang Gentle Dance laban sa mga dekalidad na kabayo sa 2026 Philracom-PCSO “Grand Derby” race na ilalarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas sa Linggo.
Sasakyan ni jockey Andreu ‘Dodong’ Villegas, makakaharap ng Gentle Dance ang siyam na kabayong lalahok sa distansyang 1,800 meter race.
Ang mga naghayag ng pagsali ay ang Diamante, Elegant Ludrona, Go Santino Go, Hoover Dam, Imagination, Isa Bell, Malibu Mo Grey, Shine Dream Smile at Rapido na rerendahan ni Pabs Cabalejo.
Posibleng magbigay ng magandang laban ang Rapido, Diamante at Isa Bell na gagabayan ni reigning Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year Jonathan Basco Hernandez.
Nakalaan ang P3-million guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, hahamigin ng mananalo ang P1.8 milyon sa karerang inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Magbubulsa ang pangalang tatawid sa finish line ng P600,000, mapupunta sa pangatlo ang P300,000, habang ang P150,000, P90,000 at P60,000 ang ibibigay sa fourth hanggang sixth placers, ayon sa pagkakahilera.
Mag-uuwi rin ang breeder ng mananalong kabayo ng P150,000, sisikwatin ng pangalawa ang P90,000 at P60,000 ang makokopo ng pangatlo sa event na suportado ng Philracom.
- Latest















