^

PSN Opinyon

Mga OFW sinisilip ni kamatayan sa bintana

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Sa hanay ng mga overseas Filipino worker, ang mga domestic helper ang malimit na napapabalita dahil sa mga kinasusuungan nilang ibat-ibang mahihirap, delikado, at kumplikadong sitwasyon sa kanilang trabaho sa ibang bansa. Isa rito ang seguridad sa kanilang kaligtasan habang nagtatrabaho tulad ng paglilinis ng bintana. Parang maliit na bagay lang ito sa unang tingin pero nagkaroon na ng mga kaso na may mga DH na nahulog mula sa matataas na gusali  at namamatay habang naglilinis ng bintana ng tirahan ng kanilang amo.

May ilang bansa o mga lugar  kasi sa mundo  na, dahil maliit lang ang kanilang kalupaan, karaniwan nang nakatira ang karamihan ng mga tao doon sa mga napakataas na apartment, condominium, at ibang gusaling residensiyal. Isa rito ang Hong Kong na madalas na ang mga Pinay DH ay nagtatrabaho sa kanilang mga amo na nakatira sa matataas na gusaling ito.

Sa Hong Kong, ipinagbabawal mula pa noong 2017 ang paglilinis ng mga bintana maliban na lang kung nasa ground floor ito, kakabit ito ng isang balkonahe o merong nakaharang na grill o bakal. Isa sa probisyon sa sa kontrata sa trabaho ng bawat Pinay DH na hindi siya maaaring maglinis ng bintana sa matataas na gusali maliban na nga lang kung may mga kaukulang seguridad dito tulad ng naunang nabanggit. Hindi maaaring obligahin ng employer ang Pinay DH na gumampan ng ganitong trabaho. Hindi maaaring lumagpas sa bintana   ang anumang bahagi ng katawan ng kasambahay maliban sa kanyang mga kamay.

Inaangalan ng mga employer ang ‘ban’ at meron sa kanila na ang mga domestic helper ang sinisisi. Bilang konsuelo, isinama sa probisyon ng labor contract na dapat manatili nang dalawag taon sa kanyang amo ang domestic worker bago lumipat sa ibang trabaho.

Kaso, may nakakalusot pa rin.

Noong Mayo 15, 2023, isang 38-anyos na Pinay DH na si Jonalyn Galan ng lalawigan ng Quezon ang nahulog mula sa flat ng kanyang amo sa ika-18 palapag ng isang gusali sa Cheung Sha Wan, Manhattan Hill sa Hong Kong habang naglilinis ng bintana. Isang bote ng likidong panglinis ng salamin ang natagpuan sa silid na kinaroroonan ng bintanang kanyang pinupunasan. Isang taon pa lang nakakapagtrabaho si Galan sa kanyang amo, ayon sa mga ulat.

Isang grupong Mission for Migrant Workers ang nagsabi sa isang ulat ng SUN HK na hindi nasusunod sa maraming bahayan sa Hong Kong ang pagbabawal sa paglilinis ng bintana.

Ayon naman sa Asian Migrants Coordinating Body, patuloy na may mga domestic helper na namamatay sa paglilinis ng mga bintana kahit ipinagbabawal na ito mula pa noong 2017 dahil hindi napaparusahan ang mga amo ng mga biktima.

“Hindi legally binding ang ‘ban’ at dito nanganganib ang buhay ng maraming migranteng domestic worker,” sabi pa ng AMCB.

Nabatid na, noong Agosto 2016, isang DH na Pinay na si Rinnalyn Dulluog ang nahulog mula sa mataas na gusali ng Lohas Park sa Tseung Kwan O sa Hong Kong at namatay dahil din sa paglilinis ng bintana. Dahil sa insidenteng ito, iginiit ng mga opisyal ng pamahalaang Pilipino na ipagbawal ang paglilinis ng bintana sa mga trabaho ng DH na Pinay at isama ito sa mga probisyon sa kanilang labor contract. Obligado ang employer at ang domestic worker na sumunod sa probisyong ito. Maaaring magpatulong sa labor department o sa Philippine Consulate ang kasambahay kapag tinanggal siya ng kanyang amo sa trabaho dahil sa pagtanggi niyang maglinis ng bintana.

Nabatid  na isa pang Pinay helper ang nagpatulong sa The Sun HK makaraang mabasa niya ang nangyari kay Galan. Idinaing niya na pinipilit siya ng kanyang amo na maglinis ng isang bintana sa napakataas na gusali araw-araw. Apat na taon na siya sa Hong Kong at ito ang unang pagkakataon na pinaglilinis siya ng bintana sa labas.

Sinabi naman ng AMCB na maaari pa ring mangyari ang mga aksidente kapag nalimutan ng katulong ang paalala at solong nagdesisyong maglinis ng bintana habang nasa trabaho ang kanyang amo.

Nananawagan ang misyon sa mga awtoridad na turuan ang publiko lalo na ang mga employer hinggil sa panganib sa paglilinis ng bintana at itigil na ang paninisi sa mga biktima.  Dapat ding paalalahanan ang mga DH na Pinay na karapatan nilang tanggihan ang utos o hiling ng kanilang amo na maglinis ng bintana kahit mapanganib.

Lumilitaw sa datos ng pamahalaan ng Hong Kong, ayon sa Rappler na, hanggang noong 2021, umaabot sa 191,000 ang bilang ng mga domestic helper na Pilipina doon.

Matagal nang problema iyang mapanganib na paglilinis ng bintana sa matataas na gusali. Paminsan-minsan, may lumalabas sa social media na mga larawan ng mga domestic worker na nakasampa sa pasimano ng bintana habang naglilinis sa panlabas na salamin nito sa matataas na bahagi ng gusaling kanilang pinagtatrabahuhan. Hindi naman sa Hong Kong lang ito nangyayari. Nangyayari rin iyan halimbawa sa Singapore o kahit sa Gitnang Silangan. Hindi ko lang alam kung sa ibang mga bansa ay ipinagbabawal ang paglilinis ng bintana tulad ng sa Hong Kong.

Pero, para sa mga baguhang domestic helper na magsisimula pa lang magtrabaho sa ibang bansa, dapat nga rin marahil maging partikular sila sa bawat detalye ng magiging trabaho nila lalo na pagdating sa kanilang seguridad. Mahalagang namumulat din sila sa kanilang mga karapatan.

* * * * * * * * * *

Email- [email protected]

vuukle comment

WORKER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with