Mayon, sumabog; Alert Level 3 itinaas!

MANILA, Philippines — Bahagyang sumabog ang Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay kaya agad itong itinaas sa Alert Level 3 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa Mayon Volcano Eruption Notification No. 1, nagsimula ang pagputok ng bulkan alas-11:53 ng umaga.
Nagbuga ang Mayon ng kulay abong plume o ulap ng abo na umabot sa taas na 3,000 metro mula sa bunganga ng bulkan at tinangay ng hangin patungong west-southwest.
Ayon sa Phivolcs, ang pagtaas sa Alert Level 3 ay nangangahulugang may mataas na posibilidad ng isang mapanganib na pagsabog at nananatiling nasa estado nang matinding pag-aalburoto ang bulkan.
Kabilang sa mga palatandaan ng pagtaas ng aktibidad ng Mayon ang madalas na pagyanig at volcanic tremors, mataas na sulfur dioxide emission, pagguho ng mga bato sa summit area, malakas na pagbuga ng singaw o tuluy-tuloy na crater glow, at patuloy na pamamaga ng estruktura ng bulkan.
Sinabi rin ng Phivolcs na malapit na o nasa mismong bunganga na ang magma. Kung magpapatuloy ang pagtaas ng aktibidad nito, posible umanong magkaroon ng pagsabog sa loob ng mga susunod na linggo. Maaari ring palawakin ang danger zone sa bahagi ng bulkan na may mababang crater rim.
- Latest


















