Magsasaka utas sa suwag ng alagang kalabaw

MANILA, Philippines — Isang 54-anyos na magsasaka ang nasawi nang pagsusuwagin ng alaga nitong kalabaw matapos na magwala habang ginagamit ito sa pag-aararo sa bukid sa bayan ng Don Carlos, Bukidnon, naganap kamakailan.
Hindi na tinukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na residente ng Purok Mabuhay, Brgy. Pinamaloy ng nasabing bayan.
Sa ulat ng Don Carlos Municipal Police Station (MPS) sa Bukidnon Provincial Police Office (PPO), alas-3:40 ng hapon nang mangyari ang trahedya sa bukirin ng biktima sa nasabing lugar noong Martes.
Lumalabas sa imbestigasyon, kasalukuyang nagsasaka ang biktima nang biglang huminto ang kalabaw na hinihingal sa matinding pagod at tindi na rin ng matinding sikat ng araw.
Bunga nito ay hinagupit ng biktima kaya tumayo ang kalabaw pero sandali lamang ito at muli itong huminto na nagpapahinga at muling pinaghahagupit ng kaniyang amo nang sunud-sunod.
Naging bayolente ang kalabaw at pinagsusuwag ang kaniyang amo na nagtamo nang matitiding sugat sa katawan partikular na sa bahagi ng ulo nito.
Samantalang matapos ang insidente ay nagtatakbo naman ang nasabing kalabaw sa bahagi ng kagubatan.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero nabigo nang maisalba ang buhay nito sa dami ng dugong nawala at malalim na sugat na tinamo sa kaniyang ulo.
- Latest






















