2 lalaking holdaper dedo sa shootout
MANILA, Philippines — Dalawang lalaki na hinihinalang holdaper ang nasawi nang ito umano ay makipagbarilan sa mga operatiba ng Southern Police District (SPD) na nagsagawa ng Oplan Sita, sa Taguig City, Huwebes ng umaga.
Sa ulat kay SPD Director P/Brig. Gen. Rodel Pastor, isa sa nasawi ay kinilalang si alyas “Jiboy”, miyembro umano ng Ocho Sakto Gang at sangkot sa kasong frustrated murder noong Setyembre 29, 2026 habang ang isa ay sangkot naman sa serye ng panghoholdap.
Nabatid na, bago naganap ang barilan, alas 10:58 ng umaga sa Arca South, Barangay Western Bicutan, Taguig ay pinara ng mga pulis ang dalawang suspek na magka-angkas sa motorsiklo.
Nang makababa ng motorsiklo ang dalawa ay agad nagtatakbo ang mga ito sa isang barung-barong hanggang sa paputukan umano nila ang humahabol na pulis na gumanti ng putok na ikinasawi ng mga una.
Isasailalim sa ballistic examination ang mga baril na nakuha sa mga suspek upang alamin kung saan pang krimen nila ginamit ang armas.
- Latest





















