Eala sasagupa sa qualifier sa Wuhan Open 1st round

MANILA, Philippines — Posibleng makaharap ni Pinay netter Alex Eala si Russian netter Ekaterina Alexandrova o Singapore Open champion Leylah Fernandez sa second round ng Wuhan Open na ginaganap sa China.
Wala pang pangalan ang makakalaban ni Eala sa first round dahil isang qualifier ang nakatakda nitong makasagupa.
Matatapos ang qualifying round Linggo ng gabi kung saan malalaman na ang makakalaban ni Eala sa opening round.
Kung papasok si Eala sa second round ay posible nitong makaharap ang mananalo kina Alexandrova at Fernandez.
Hindi ito ang unang paghaharap nina Eala at Alexandrova.
Nagtagpo na ang dalawa sa quarterfinals ng Abu Dhabi Open noong Pebrero sa United Arab Emirates kung saan nanalo si Alexandrova, 6-3, 6-3.
Sa kabilang banda, nagharap na sina Eala at Fernandez ng dalawang beses.
Nanalo si Fernandez sa kanilang unang paghaharap, 6-1, 6-4, sa Round of 32 ng Stuttgart Open sa Germany noong Abril.
Nakaresbak si Eala nang pataubin nito si Fernandez sa Mubadala DC Open sa Washington D.C. sa Round of 16 sa pamamagitan ng 6–2, 7–6 (1) demolisyon.
Muli namang magtatambal sina Eala at kaibigang Zeynep Sönmez ng Turkey sa doubles event.
Sasalang sina Eala at Sonmez ngayong araw laban kina Anhelina Kalinina at Dayana Yastremska ng Ukraine.
Nagsama na sina Eala at Sonmez sa Madrid Open sa Spain noong Mayo kung saan umabot ang dalawa sa second round.
Kaya naman excited na si Eala na muling makasama ang kaibigan nitong si Sonmez sa kanilang kampanya sa Wuhan Open.
Puspusan na ang paghahanda ni Eala para matiyak na nasa solidong kundisyon ito bago magsimula ang kaniyang kampanya sa Wuhan.
May ilang practice sessions na ito sa venue kasama ang kaniyang coaches at trainers.
- Latest



















