Akyat bahay talamak sa Barangay Culiat
Ilang nakawan pa ba ang kailangang mangyari bago gumalaw ang mga dapat gumalaw?
Sa Barangay Culiat, Tandang Sora, reklamo ng mga residente ang talamak na nakawan—mga bahay na pinapasok, habang ang ilang kalsada naman ay halos ginawang libreng paradahan ng kung anu-anong sasakyan. Kotse, jeep, tricycle, trak—pati mga sasakyang nakikita sa paligid ng police station at barangay headquarters nakakadagdag sa gulo at pagsikip ng daan.
Ang mas masakit may mga nagrereklamo, pero parang kailangang paulit-ulit pang sumigaw bago marinig.
Hindi naman hinihingi ng mga residente ang imposible. Ang hinihingi nila ay simpleng trabaho: magbantay, magpatrol, umaksyon sa reklamo, ayusin ang trapiko at habulin ang mga taong paulit-ulit na inirereklamo.
Kung may mga tinuturong notorious na akyat-bahay, imbestigahan, kilalanin at papanagutin kung may sapat na ebidensiya. Huwag hintaying may mas malalang mangyari bago seryosohin ang problema.
At sa mga kinauukulan: huwag ninyong hintaying may umiyak na pamilya bago kayo gumising.
Panawagan ng mga residente: PNP Chief Jose Melencio Nartatez at DILG Secretary Jonvic Remulla, tingnan ninyo ang sitwasyon sa ibaba. Ipag-utos ang nararapat na pagsusuri at aksiyon sa mga lugar na paulit-ulit na pinagmumulan ng reklamo.
Dahil ang kalsada ay para sa dumadaan, hindi tambakan ng sasakyan. Ang barangay ay para sa proteksiyon ng residente, hindi lugar na kailangang katukin nang katukin bago kumilos.
Kapag may reklamo, pakinggan. Kapag may krimen, aksyunan. Kapag may kapabayaan, panagutin.
Hindi puwedeng ang ordinaryong residente ang laging naka-alerto habang ang mga dapat magbantay ay tila naka-standby.
Gising. Trabaho. Aksyon. Bago pa maging huli ang lahat.
- Latest



















