Murang gun-for-hire dumadami noon pa
“P5,000 ba ang presyo sa pag-kontrata ni VP Sara Duterte na patayin si President Bongbong Marcos?” natanong ni Rep. Terry Ridon. Tinuligsa kasi ni VP Sara Duterte ang kadalian ng pagpapa-patay. Hinalimbawa niya ang halagang P5,000 na presyo ng gun-for-hire para ipaligpit ang isang asawang nagtataksil.
Ang punto ni VP Sara ay gan’un kadali magpapatay sa Pilipinas. Extrajudicial killing din daw ang pag-upa sa assassin. Kaya bakit daw ibinibintang sa kaniyang amang ex-President Rody Duterte ang pagpatay sa 7,000 pushers nu’ng 2016-2019.
May punto si VP Sara. Matagal na ngang nauso ang EJKs.
Taong 2004 tinanong ko na ang PNP Criminal Investigation and Detection Group tungkol dito. Ika ko, bakit hindi masawata ng pulis ang “riding-in-tandem” o mga naka-motorsiklong bumabaril sa target na patayin? Nakakubli ang mukha nila ng biking helmet kaya hindi makilala. Legal ba na mag-checkpoint ng mga naka-motorsiklo?
Walang magawa ang CIDG. Pati ang PNP Directorate for Investigation and Detection Management ay walang nabuong patakaran kontra sa riding-in-tandem killings.
Pero tama rin na ibintang kay Rody Duterte ang paglala nito nu’ng unang tatlong taon ng Pangulohan niya. Kasi naman, lantaran niya inutos ang pagpatay sa drug suspects. Nag-anunsyo pa ng rewards ang kaniyang mga ayudante: P20,000 para sa isang pusher sa kalye, P50,000 para sa narco-trader sa komunidad, P1 milyon para sa distributors sa siyudad, at P5 milyon para sa drug lords.
Hindi lang pulis ang pumatay. Sumali na rin ang mga de-baril na walang trabaho. Umakto silang “anti-drug vigilantes”.
“Patay, kolekta, patay, kolekta,” kuwento sa akin ng isang PNP colonel sa naging standard operating procedure noon. Hinahambing ngayon si VP Sara sa pagiging bayolente ng ama.
- Latest



















