DepEd kinansela Face to Face classes sa tindi ng init, tigil-pasada
MANILA, Philippines — Inutos ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng asynchronous classes at distance learning sa lahat ng pampublikong paaralan ngayong Abril 29, Lunes, at Abril 30, Martes, bunsod ng nararanasang mainit na panahon at pagdaraos ng 3-araw nationwide transport strike.
“In view of the latest heat index forecast of the Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) and the announcement of a nationwide transport strike, all public schools nationwide shall implement ASYNCHRONOUS CLASSES/DISTANCE LEARNING on April 29 and 30, 2024,” abiso ng DepEd.
Maging ang mga teaching at non-teaching personnel sa lahat ng public schools ay hindi rin nire-require ng DepEd na pumasok sa kani-kanilang istasyon.
Ang mga aktibidad naman umano na inorganisa ng Regional at Schools Division Offices, gaya ng Regional Athletic Association Meets at iba pang division o school level programs, ay maaaring ituloy sa mga nasabing petsa.
Gayunman, mahigpit ang paalala ng DepEd na kailangang tiyakin at masusing ikonsidera ang kaligtasan ng mga kalahok sa mga nasabing aktibidad.
Hindi naman sakop ng kautusan ng DepEd ang mga private schools ngunit binigyan sila ng opsiyon na ipatupad rin ang nasabing kautusan.
- Latest