Kongreso handa na sa special session para sa Middle East crisis
MANILA, Philippines – Handa ang Kongreso na magdaos ng isang special session para planuhin ang contingency measures sa lumalalang tension sa Middle East.
Sinabi ni House Majority leader Martin Romualdez na hihintayin lamang nila ang pormal na komunikasyon sa kanila ng Malacañang.
Giit ni Romualdez, ang nasabing komunikasyon ay kailangan para mabigyan sila ng guide sa gagawing special session.
Habang naghihintay din umano ng pormal na komunikasyon sa Palasyo ay inatasan na rin ni Speaker Alan Peter Cayetano ang House secretariat na maghanda para sa gagawing special session.
Sa ilalim ng Section 87, Rule XI ng House Rules, ang Speaker, sa pakikipagkonsultasyon sa majority and minority leaders at kanilang counterpart sa Senado ay maaaring ipag-utos ang pag-convene ng Kamara anumang oras kapag naka-break ang sesyon para talakayin ang ilang mahahalagang usapin.
Sa kasalukuyan ay naka-recess pa ang Kongreso at muling magbabalik ang sesyon sa Enero 20.
Mangangailangan ng supplemental budget para sa pagbabalik sa bansa ng mga OFWs sa Middle East.
Bagaman at wala pa namang pormal na request ang Malacañang sa Kongreso, iginiit ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na gamitin ang bilyon-bilyong contingecy funds ng OWWA dahil naka-ready na ito para sa mga emergencies.
- Latest


















