Kolehiyala nalunod sa ilog
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng 19-anyos na kolehiyala matapos itong malunod sa ilog sa Barangay Bakir, bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya noong Lunes.
Kinilala ang biktima na si Eva Rose Virgilio ng Ifugao State University at residente sa Barangay Labang, bayan ng Ambaguio, Nueva Vizcaya.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Bagabag PNP, nagtungo umano ang dalaga sa ilog kasama ang tatlong bata subalit sa hindi inaasahang pangyayari ay nadulas ito at nahulog sa tubig.
Agad namang sumaklolo ang dalawang kabataan na sina Junard Bueno, 15; at Chrles Darwin, 14, mga nakatira sa Poblacion East, Lamut, Ifugao, na noon ay naliligo sa ilog.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ito ng buhay.
Napag-alaman na nagtungo umano ang biktima sa bahay ng kanyang nobyo sa Barangay Bakir para sa Bagong Taon nang maganap ang insidente.
- Latest