Balasa sa gabinete ng Pangulo, tiyak na

MANILA,Philippines - Tiyak na ang magaganap na balasahan sa ilang opisyal ng pamahalaan at gabinete ng Pangulong Benigno Aquino III sa susunod na mga araw, ayon sa mapagkakatiwalaang source sa Palasyo.

Siniguro ng impormante na papalitan na ni Energy Sec. Rene Almendras si Presidential Management Staff chief Julia Abad na lilisanin na ang gobyerno upang maging ‘full time mother’.

Ang papalit umano kay Sec. Almendras sa Department of Energy (DoE) ay si dating Finance Sec. Emmanuel Bonoan.

Umugong din na aalisin na si PCSO chairperson Margarita Juico, ang planong ipalit dito ni Pangulong Aquino ay si TESDA director-general Joel Villanueva.

Hindi na nakasama sa senatorial line-up ng administrasyon si Sec. Villanueva dahil mas gusto ni Pangulong Aquino na makasama ito sa executive department lalo sa nagawa nito sa TESDA.

Maugong din na papalitan na si Immigration Commissioner Ricardo David matapos na ‘atakihin’ mismo ni Pangulong Aquino ang ahensiya sa pagdiriwang ng anibersaryo nito kamakailan dahil sa kanyang pagkadismaya ng makalabas ng bansa ang magkapatid na Reyes sa kabila ng pagiging high-profile wanted persons ng mga ito at ang Korean fugitive na nakatakas din sa ospital habang binabantayan ng Immigration authorities.

Papalitan na rin ni PNoy si Customs Commissioner Ruffy Biazon dahil sa tatakbo ito sa May 2013 senatorial elections sa ilalim ng Liberal Party.

Show comments