Mga dam sa Luzon nagpakawala ng tubig

MANILA, Philippines - Patuloy na nagpapakawala ng tubig ang ilang malalaking dam sa Luzon bunsod ng walang humpay na pagbuhos ng ulan sa nakalipas na 24 oras.

Ayon sa PAGASA, nagpakawala ng tubig ang Ipo Dam sa Bulacan makaraang mabuksan ang dalawang gate nito; dalawang gate din ang nabuksan sa Ambuklao Dam sa Benguet; tatlong gate naman ng Binga Dam sa Benguet ang binuksan at dalawang gate sa San Roque Dam.

Habang ang La Mesa Dam sa QC ay patuloy naman ang pag-apaw ang tubig dahil wala itong gate kayat kusang umaapaw ang tubig dito kapag lumampas na sa spilling level nito.

Ang ibang dams naman ay nananatiling sinusubaybayan ng PAGASA makaraang umabot na rin sa critical level ang tubig dito.

Patuloy pa ring makakaranas ng mga pag-ulan ang MM, Luzon at Visayas ngayong araw.

Show comments