Corona tagilid sa impeachment

MANILA, Philippines - Aminado ang Korte Suprema na hindi biro ang bantang impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona ng mga kaalyado sa Kongreso ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino.

Ang bantang impeachment ay bunga pa rin ng kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema sa Executive Order Number 1 na nagbigay daan sa paglikha ng Truth Commission.

Sa isang press briefing­, sinabi ni Atty. Gleo Guerra, Deputy Spokesperson ng Korte Suprema, na ang impeachment ay isang ‘nuclear option ‘at hindi dapat maliitin.

Kasabay nito, binigyang diin ni Guerra na ang pagkakabasura sa Truth Commission ay hindi lamang iisang desisyon ni Corona kundi ng buong Korte Suprema bilang collegial body.

Sinabi pa ni Guerra na base na rin sa payo ni Corona, mas ma­buting basahin ng mga kritiko ng Korte Suprema ang nilalaman ng buong desisyon dahil malinaw namang nabigyang diin doon ng Hukuman ang kanilang pakikiisa sa hangarin ng administrasyon na labanan ang katiwalian na dapat ay isinulong sa ligal na paraan.

Samantala, pinayuhan din ng mataas na hukuman ang pamahalaan na amyendahan na lamang ang inilabas nitong executive order numer 1 na lumikha sa Truth Commission.

Iginiit ng opisyal na ito ay kung hindi na magsusumite ng motion for reconsideration ang Malakanyang kaugnay ng inilabas na desisyon ng Kataas Taasang Hukuman na nagdedeklarang unconstitutional sa EO 1.

Show comments