Pinoys sa California apektado sa sunog

MANILA, Philippines - Nagmistulang impiyerno ang kapaligiran sa isang lugar sa California, USA matapos na sumiklab ang napakalaking sunog kasunod ng isang malakas na pagsabog sanhi ng pagkasawi ng anim katao, pagkasugat ng may 60 at pagkatupok ng 200 kabahayan kabilang ang tatlong bahay ng mga kababayang Pinoy dito kahapon.

Sa report na tinanggap ng Philippine Consulate sa Amerika, nagsimula ang malaking sunog ng isang ma­lakas na pagsabog ang narinig ng mga residente sa San Bruno, Cailfornia.

Sa paunang pagsisiyasat ng Pacific Gas and Electric (PG&E) na posibleng nagmula ang pagsabog sa natural gas line na nag-iwan ng malaking butas na pinanggali­ngan ng apoy patungo naman sa mga kabahayan.

Ang mga naapektuhang Pinoy ay nakilalang sina Paulita Fandino at anak na si Mike, Martin Mata at Valerie Concepcion. Patuloy pang nakikipag-ugnayan ang Konsulado sa mga awtoridad upang matukoy ang iba pang Pinoy na apektado sa sunog.

Sa tala ng Department of Foreign Affairs, may 3,000 Pinoy ang kasalukuyang naninirahan sa San Bruno.

Ayon sa mga residenteng Pinoy, inakala nila na isang eroplano ang bumagsak o may umatakeng terorista sa lakas na pagsabog na nagbunsod ng pagyanig ng lupa.

Nagdeklara na ang California ng state of emergency sa San Mateo County upang matugunan ang mga pa­ngangailangan ng apektadong mga state at mga residente sa sunog.

Show comments