Noynoy nagdeklara na!
MANILA, Philippines - “Bayang Pilipinas tatakbo po ako sa pagka-pangulo sa darating na halalan. Itutuloy po natin ang laban!”
Ito ang naging deklarasyon kahapon ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III, 40 araw matapos ang pagkamatay ng kanyang inang si dating pangulong Cory Aquino.
Sa ginanap na pulong-balitaan dakong alas-8 kahapon ng umaga sa Club Filipino sa San Juan City, madamdamin na inihayag ni Noynoy ang kaniyang desisyon na aniya ay nabuo matapos ang ilang araw niyang pagninilay sa Carmelite convent sa Zamboanga City at nang marinig niya ang boses ng mga ordinaryong mamamayan partikular sa Mindanao.
“Tinatanggap ko ang hiling ng sambayanan. Tinatanggap ko rin po ang bilin at habilin, tagubilin ng aking mga magulang. Tinatanggap ko ang responsibilidad na ituloy ang laban para sa bayan. Tinatanggap ko ang hamong mamuno sa labang ito. Bayang Pilipinas, tatakbo ako sa pagkapangulo sa darating na halalan,” sabi ni Sen. Aquino.
Ayon kay Aquino, noong ilibing ang kanyang ina ay nakita niya ang pagnanais ng mga mamamayan na maging ganap ang demokrasya ng bansa.
Dumalo sa okasyon ang mga kapatid ni Aquino na sina Ballsy, Pinky at Kris at asawa nitong si James Yap at anak na si Baby James at maging ang girlfriend ng senador na si Valenzuela Councilor Shalani Soledad.
Ikinuwento rin ni Aquino ang isang empleyado ng Custom na nagsabi umanong “puwede na muling mangarap” nang malaman ang pagkandidato nito bilang presidente.
Isang lata rin na may nakasulat na “Piso para kay Noynoy” ang ipinasa upang manghingi ng campaign contribution para sa senador.
Inalok na rin ni Aquino si Sen. Mar Roxas na tumakbong bise presidente nito pero wala pang sagot ang huli.
Matatandaan na sinabi ni Roxas noong umatras ito na iniwasan nilang pag-usapan ni Aquino ang posibleng tandem dahil ayaw niyang haluan ng “ka-cheapan” ang usapan.
Ayon naman kay Ballsy at Kris nakahanda ang kanilang pamilya na ibigay ang buong suporta sa kandidatura ng kapatid.
Nagtungo rin sa Club Filipino sina dating Senate President Franklin Drilon; Senators Manuel Roxas II, Kiko Pangilinan at Rodolfo Biazon; Quezon Governor Rafael Nantes; dating congressman Nereus Acosta, pop singer Jim Paredes, Lea Navarro ng Black and White Movement.
‘Good luck!’
Ito naman ang tanging ipinaabot ng Malacañang kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na nagdeklara ng kanyang kandidatura bilang presidente sa ilalim ng Liberal Party (LP) sa darating na 2010 elections.
Ayon kay Presidential Political Adviser Gabriel Claudio, secretary-general ng Lakas-Kampi-CMD, taglay naman ni Sen. Noynoy ang kwalipikasyon ng isang kandidato sa pagiging pangulo. Isang kaibigan ang turing niya kay Noynoy at binabati niya ito sa naging desisyon nitong tumakbong presidente.
‘The more the merrier’ - Noli
Ito naman ang naging tugon ni Vice-President Noli de Castro sa pagdedeklara ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng kanyang presidential bid kahapon.
Sinabi ni VP de Castro, binabati niya si Sen. Noynoy sa kanyang naging desisyon na tumakbo bilang pangulo ng bansa bilang standard bearer ng Liberal Party (LP).
Ayon kay de Castro, sa tamang panahon ay ihahayag na rin niya ang kanyang magiging desisyon kung tatakbong presidente sa 2010 elections.
Nilinaw din ng bise-presidente na walang nagbibigay sa kanya ng deadline upang magdeklara ng kanyang desisyon para sa 2010 elections. Maging ang Lakas-Kampi-CMD ay hindi din siya binibigyan ng deadline bagkus siya ang nagtakda ng deadline para sa kanyang sarili na magdesisyon ukol dito.
Aniya, ihahayag niya kung tatakbong presidente o hindi sa darating na 2010 elections sa kalagitnaan ng buwang ito. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending


















