Libreng sports clinic handog ni Recom

MANILA, Philippines - May handog na libreng sports training clinic si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri para sa mga residente ng lungsod.

Ayon sa alkalde, ang taunang Recom Sports Clinic ay nakahandang magturo ng mga tamang teknik sa larong badminton, baseball, softball, chess at iba pang recreational activity.

Aniya, bukod sa pagtuturo ng mga tamang estilo, ang training camp ay bukas sa mga residente edad siyam hanggang 18 na nais maging abala sa panahon ng bakasyon.

Nakatakda namang pangunahan ni Echiverri ang opening ng naturang sports clinic sa Mayo 18 sa Caloocan City Hall North sa Zabarte, Camarin

Ang badminton class ay ituturo sa Sangandaan Badminton Court sa Samson Road at Cedric Badminton Court sa Camarin; ang chess sa Bulwagang Bonifacio ng Caloocan City Hall South at sa Caloocan City Hall North Lobby; samantalang ang baseball / softball ay gaganapin sa Tandang Sora Integrated School sa kahabaan ng 7th avenue.

Sinabi naman ni Sports chief Dindo Simpao na kailangan lamang mag-rehistro ng mga nagnanais sumali sa Sports and Recreation Services na nasa 3rd level Legislative Building ng Caloocan City Hall South. Maaari rin silang sumangguni sa 2888811 loc. 2241 para sa karagdagang impormasyon.

Show comments