5-M Pinoy mawawalan ng trabaho sa 2009

Dapat na umanong umpisahan ng mga Pinoy na mag-“sariling sikap” kasunod ng pinakamatinding krisis na ngayon lang nararanasan ng buong mundo sa loob ng nakalipas na 100 taon.

Ito ang ipinayo kahapon ni Sonny Africa, researcher ng Ibon Foundation sa ginanap na balitaan sa “Tina­payan” sa Dapitan, Sampaloc, Maynila.

Lumabas umano sa isinagawa nilang komprehen­sibong pag-aaral na aabot sa may 5 milyong Pilipino ang mawawalan ng trabaho bago matapos ang taong 2009 kung saan madadagdagan ang dating 4.5 milyon na wala ng trabaho noong 2008.

“Ngayong taon 2009, pumasok na tayo (Pilipinas) sa recession,” ayon kay Africa.

Sinabi ni Africa na sa Amerika ay noong 2008 pa nila naramdaman ang krisis at ngayon pa lang sa Pili­pinas.

Bukod sa 5 milyon Pinoy na walang trabaho, nabatid na may 6.6 milyon naman ang may trabaho pero naghahanap pa rin ng panibagong trabaho.

Ang mga datos na inilabas ng Ibon Foundation ay kinuha nila sa National Statistic Office (NSO) matapos pag-aralan ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas sa loob ng walong taon.

Hindi rin umano nagsasabi ng totoong datos ang gobyerno kaugnay sa bilang ng mga Pilipino na walang trabaho, kung saan inihinto na ng gobyerno ang bilang sa may 2.5 Pinoy na nawalan ng trabaho. (Doris Franche)

Show comments