Nagbabala kahapon ang Department of Justice (DOJ) sa mga mamamahayag at media companies na kakasuhan sa sandaling makasira ng mga ari-arian kapag mayroong emergency coverage tulad na nangyari sa Manila Peninsula stand-off.
Sa isang pahinang advisory na ipinalabas ni Justice Secretary Raul Gonzalez, binalaan nito ang mga kumpanya, networks o organization gayundin ang mga field reporter, photographers, cameramen at iba pang media practitioners.
Nakasaad sa advisory na kapag sumuway ang isang media practitioner sa anumang kautusan mula sa authorized government officers o personnel kapag mayroong police o military operation at magdudulot ng pagkasira sa mga ari-arian o civilian casualties ay sasampahan nila ito ng kasong criminal.
Ang nasabing paalala ng DOJ ay upang hindi na maulit pa ang nangyari sa Manila Penn stand-off ng grupo nina Sen. Antonio Trillanes at Brig. Gen. Danilo Lim noong Nob. 29, 2007.
Sa naturang insidente ay pilit na pinapalabas ng mga otoridad ang mga media practitioner na nagko-cover ditto subalit tumanggi ang mga ito kaya inaresto sila ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa pag-aakala na ring may kinalaman ang mga ito sa naging hakbang ng grupo ni Trillanes. (Gemma Amargo-Garcia)