P.5M pabuya sa killer ng Davao broadcaster
Magbibigay ng kalahating milyong pabuya si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para sa agarang ikadarakip sa pumaslang sa radio broadcaster na si Ferdie Lintuan, 51, nitong Lunes ng umaga sa naturang lugar.
Kasabay nito, pinakilos na rin ng alkalde ang lokal na Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Bureau of Investigation (NBI), pulis at iba pang intelligence unit kasama na ang Task Force Davao na mangalap ng impormasyon para sa ikalulutas ng pagpatay sa broadcaster na DXGO ng Manila Broadcasting Company (MBC).
Sa press statement na ipinadala sa PSN ay nangako rin si Duterte na sasagutin ang lahat ng gastusin at anupamang pangangailangan ng pamilya lalo pa’t lubusan nang naulila ang apat na anak nito.
Kaagad din namang nagbanta si Duterte sa mga kalaban sa pulitika na huwag gawing isyu ang pagkamatay ni Lintuan at ituro siya bilang nasa likod ng pagkamatay ng naturang mamamahayag.
Ang huli kasing binabanatan o ini-expose ni Lintuan ay ang People’s Park ng lungsod na ayon sa kaniya ay punung-puno raw ng corruption at malaki ang kinita ng mga opisyales ng gobyerno.
“Ako mismo ay nag-iimbita sa Commission on Audit maging sa Ombudsman na silipin ang naturang proyekto. At kapag may nakita silang overpriced o ibinulsa kahit na P10 lamang ay ako’y kaagad na magre-resign sa pwesto,” dagdag pa ng alkalde.
Habang isinusulat ang balitang ito ay ipinakalat na rin ni Duterte ang kaniyang mga tinatawag na “underground informers” sa lugar upang matukoy kung sino talaga ang mastermind o nasa likod ng pagpatay kay Lintuan.
“1988 pa binabanatan na ako ni Lintuan. Masyado namang halata kung ako ang magpapapatay sa kaniya dahil lamang sa kanyang expose sa People’s Park na ako ang nagpagawa. Hindi ba obvious?” dagdag pa ng alkalde.
Iniimbestigahan na rin ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na isang death squad ang nasa likod ng pananambang. (Dagdag na ulat ni Joy Cantos)
- Latest
- Trending
















