Gobyerno handa sa posibleng krisis, sakuna

Military conflict, cyberattacks, malawakang brownout
MANILA, Philippines — Siniguro ng Malacañang na nakahanda ang pamahalaan sa anumang hindi inaasahang kaganapan na maaaring makaapekto sa bansa.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro kasunod ng mga paghahandang isinasagawa ng ilang bansa tulad ng Estados Unidos, United Kingdom, Japan, at iba pang bansa sa Europa, kung saan hinihikayat ang kanilang mga mamamayan na mag-imbak ng sapat na suplay na maaaring tumagal nang hanggang tatlong araw.
Ayon kay Castro, nagsasagawa rin ang gobyerno ng iba’t ibang paghahanda upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sakaling magkaroon ng mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng posibleng military conflict, cyberattacks, pananabotahe, mga kalamidad, at matagalang pagkawala ng supply ng kuryente.
Sinabi rin niya na kabilang sa mga hakbang ng mga ahensiya ng gobyerno ang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño. Binigyang-diin ni Castro na hindi dapat ikabahala ng publiko ang mga ganitong hakbang dahil tungkulin ng pamahalaan na maagang maghanda at agad na kumilos para sa kapakanan ng mamamayan.
Dagdag pa niya, pinaghahandaan na rin ng mga ahensiya ng gobyerno ang posibilidad ng malawakang brownout at iba pang sitwasyong maaaring makaapekto sa bansa.
- Latest





















