Contempt kay Iggy

Hinamon kahapon ni dating Justice Secretary Artemio Tuquero ang mga senador na sampahan ng contempt charges ang kapatid ni First Gentleman Mike Arroyo na si Ignacio Arroyo dahil sa patuloy na pagtanggi ni Iggy sa mga katanungan ng mga senador na kung saan ay ginagamit pang depensa ng negosyante ang kanyang constitutional rights para makaiwas sa mga mapanuring tanong ng mga mambabatas.

Ayon kay Tuquero, dapat mabigyan ng leksiyon ng mga lawmakers si Iggy dahil sa hindi nito pakikiisa sa isinasagawang senate inquiry sa kabila ng ginawa nitong pagpiprisinta ng kanyang sarili sa senate blue ribbon committee hinggil sa kontrobersiyal na Jose Pidal account.

Nilinaw ng dating justice chief na hindi maaaring gamiting pananggalang ni Iggy ang proteksiyon ng rights to privacy at ang rights against self-incrimination para lamang makaiwas sa pagsagot sa mga katanungan ng mga senador.

Ang right to privacy ay mahigit 25 beses ginamit na depensa ni Iggy.

Ipinaalala rin ng dating kalihim na dapat mangibabaw ang kapakanan ng publiko upang matukoy ang katotohanan sa likod ng nabunyag na kontrobersiya kumpara sa karapatan ng negosyante bilang isang pribadong indibidwal.

Niliwanag pa ni Tuquero na may kapangyarihan ang senado na magsagawa ng imbestigasyon kay Arroyo kahit pa hindi ito opisyal ng gobyerno bunsod na rin ng isinasagawang fact-finding investigation ang mga ito para sa paglikha at pag-amyenda ng batas.

Idinagdag pa ng dating DOJ chief na inabuso na ni Mr. Arroyo ang paggamit ng kanyang mga constitutional rights upang hindi maipit sa interogasyon sa senado.

Bunga nito’y maaari ng kasuhan si Arroyo subalit ang problema aniya ay wala namang senador na naglalakas-loob na bigyan ito ng babala. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments