Jules magse-senador, Assunta para congresswoman

Pinagpaplanuhan na umano ni Negros Occidental Rep. Jules Ledesma ang political career ng kasintahan nitong si Assunta de Rossi para sa 2004.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, balak umano ni Ledesma na si de Rossi ang ipalit sa kanya bilang kongresista, samantalang siya naman ang tatakbong senador.

Si Ledesma ay nasa ikatlo at huling termino na sa House of Representatives kayat hindi na ito maaaring tumakbong muli bilang kongresista sa 2004.

Balak umano ni Ledesma na makasama sa Senado ang mga dating kasamahan sa Kamara tulad nina Senators Joker Arroyo, Ralph Recto at Manuel Villar.

Naniniwala din ang source na ang biglaang pagsikat ni Ledesma ay dahil kay de Rossi at isang katibayan umano nito ay ang plano ng kongresista na pakasalan ang aktres sa 2004 bilang bahagi ng estratehiyang pulitikal.

"Are you not curious why the two plans to tie the knot on 2004 via a grand wedding," makahulugang tanong ng source.

Mas magiging malaki anya ang tiyansa ni Ledesma na maging senador sa 2004 dahil sa gagawin nitong pagpapakasal kay de Rossi.

Naniniwala din ang source na hindi na mawawala sa limelight ang dalawa, ito’y upang hindi na sila makalimutan ng tao pagdating ng 2004. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments