Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan na tatlong bomb explosions at isang mortar attack ang naganap kahapon ng madaling araw sa lalawigan ng Maguindanao habang kasagsagan ng eleksiyon dito na hinihinalang pakana ng grupo ni dating ARMM Gov. Nur Misuari.
Tatlong pagsabog rin na dulot ng isang home-made bomb ang magkasunod na naitala sa Parang, Maguindanao kahapon ng umaga at naapektuhan ang tatlong silid-aralan sa Miramar Elem. School sa Bgy. Poblacion Dos, habang isang mortar attack naman ang nangyari sa isang lugar sa Sharrif Aguak sa Maguindanao.
Aminado ang militar na ito ay bahagi ng panggugulo sa nasabing halalan, gayunman walang nasawi o nasugatan sa naturang mga insidente.
Samantala, inakusahan ng pandaraya ang mga administration candidate makaraang malantad ang pagkakaroon ng mga tampered ballot boxes na naglalaman ng mga balota pabor sa mga kandidato ni Pangulong Arroyo.
Ayon kay Mayor Ibrahim "Toto" Paglas, independent gobernatorial candidates, mayroong 12 ballot boxes ang nakumpiska ng Namfrel na naglalaman ng mga balotang kinasusulatan ng mga pangalan nina Dr. Parouk Hussein, kandidato sa pagka-gobernador at Manong Mutillan, vice-gubernatorial bet.
Sa kabila ng payapa ang ginanap na halalan ay kapuna-puna naman ang mababang turn-out kung saan 20-35 porsiyento lamang ng tinatayang 1,118,000 registered voters ang bumoto.
Kaugnay nito, dismayado umano ang Pangulo sa balitang naging instrumento si Comelec Commissioner Luzviminda Tancangco sa mababang turn-outs nang ipakalat nito ang balitang suspindido ang botohan sa Jolo, Sulu bunsod ng kaguluhan.
May ilang munisipyo rin ang hindi nagkaroon ng botohan dahil sa kakulangan ng election paraphernalia.
Sakop ng ARMM elections ang lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Tawi Tawi, Sulu at Marawi City. (Ulat nina Joy Cantos at Andi Garcia)