3 silver sa pinoy tracksters
Nagkasya sa tatlong pilak at anim na tanso ang Pinoy junior tracksters sa unang araw ng 12th Southeast Asian Youth Athletics Championship kahapon sa Ilagan City Sports Complex sa Iligan City, Isabela.
Nasungkit ni Wally Gacusan ang unang pilak ng Pilipinas mula sa boys’ high jump event.
Nagtala ang 17-anyos na Isabela National High School student ng 1.81 metro para sa ikalawang puwesto habang pumangatlo ang isa pang Pinoy bet na si Janmell Francis Gervacio na may 1.70 metrong nakuha.
Nahablot ni Vo Ngoc Long Cao ng Vietnam ang ginto bunsod ng naitala nitong 2.0 metro.
“I am happy with my performance, although I could have done better if not for the knee injury I suffered during training four days before this tournament,” ani Gacusan. “This is my first international competition. I know the best players are here so I really gave my best.”
Pinuri ni Ilagan City Mayor Evelyn Diaz ang ipinamalas ni Gacusan na anak ng magsasaka mula sa Sta. Isabel Norte.
Nag-alok si Diaz na bibigyan ng insentibo ang mga hometown athletes na magkakaroon ng medalya sa junior meet at sa 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships.
Nagpasiklab din si Eduard Josh Buenavista, anak ni local track legend Eduardo Buenavista.
Hindi ininda ng 15-anyos na si Buenavista ang kanyang injury sa kanang hita nang magsumite ito ng siyam na minuto at 25.85 segundo para sa tanso sa boys’ 3,000-meter run.
Nanguna si Hendrik Marlyonda ng Indonesia na naglista ng record-breaking time na 9:07.36 kasunod sa ikalawa si Syed Hussein Aljuneid ng Singapore na may 9:10.98.
Nakapilak si Buenavista sa 6th Children of Asia nitong nakaraang taon sa Yakutst, Russia.
Ang mga nakaginto sa opening day ay sina Namee Satapor ng Thailand sa boys’ long jump, Thi Trang Dang ng Vietnam sa girls’ javelin throw, Jeany Nurauni Amelia Agreta ng Indonesia sa girls’ 100-meter run, Kittipoom Khotsara ng Thailand sa boys’ 100-meter run, Thi Kanh Ny Ngo ng Vietnam sa girls’ 800-meter run, Wempy Pelomania ng Indonesia sa boys’ 800-meter run, Jakkapat Noisri ng Thailand sa boys’ discuss throw event at Thu Hang Doan ng Vietnam sa girls 3,000-meter run.
- Latest