^

PSN Opinyon

‘Tinabunan ng putik!’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

HALOS DALAWAMPUNG porsiyento lamang ng ating populasyon ang nababahala tungkol sa epekto ng climate change at maaaring maidulot sa atin nito.

Mga lindol, pagputok ng bulkan, tidal wave o tsunami. Nakita naman natin kung anong pinsala ang idinulot nito nung panahon ng Yolanda at nang masalanta ng unos ang Tacloban, Leyte, at Ormoc kung saan libu-libo ang namatay.

Mga walang buhay na katawan na nakakalat, mga sirang tahanan at maraming bilang ng mamamayan ang nawala nung mga panahong yun. Gustuhin mang magpaabot ng tulong para sa mga nasalanta nahihirapan naman ang mga ito dahil sira ang mga kalsada.

Nang magkaroon ng malakas na lindol sa Bohol na halos maiwasiwas at sirain nito ang bawat gusali ay napakarami ring mga kababayan natin ang napinsala.

Ngayon naman ay hindi sa ating bansa kundi sa Colombia na hindi bababa sa 250 ang naitalang namatay sa nangyaring mudslide.

Sanhi ng sunud-sunod na pag-ulan mula pa nung Biyernes ay maraming pamilya ang nawalan ng tahanan at mahal sa buhay.

Marami pa ang nakikita at nasa dalawang daan pa mahigit ang pinaghahanap ngayon habang hindi bababa sa apat na daan ang naitalang nasaktan sa mudslide.

Tila nahugasan ng putik ang mga puno, kalsada, sasakyan at tahanan sa nangyaring unos. Natakpan ng putik ang buong lugar.

Nagdeklara na ng ‘state of public calamity’ ang Presidente ng Colombia na si Juan Manuel Santos.

Para makita ang ginagawang pag-rescue sa mabundok na lugar ay napalipad dun ang Presidente.

Ayon sa ilang nakaligtas hindi na sila nagkaroon ng pagkakataon na umakyat pa sa bubong ng kanilang mga bahay. Ang alarm din sa lugar para maging warning sa mga naninirahan ay hindi na nila marinig.

Nilimas ng putik ang lahat ng madaanan nito. Nabunot ang mga puno, nahagis ang mga sasakyan at ilang truck. Maging ang kanilang mga tahanan ay sandaling-sandali lang nitong sinira.

Patuloy naman sa paghahanap sa mga nawawala at sa pagtulong sa mga nakaligtas.

Habang dumadaan ang araw ay tumataas din ang bilang ng natatagpuang patay. Nagpahayag na ng pakikiramay sa mga namatayan at nasalanta si Presidente Santos at nangako na gagawin ang lahat para matagpuan pa ang ibang nawawala.

Ang mudslide ay dahilan ng pag-apaw ng Mocoa River dahil na rin sa sunud-sunod na pag-ulan. Tatlong malalapit na ilog ang umapaw kaya nagkaroon ng avalanche ng tubig sa lugar.

Tulad din nung naganap ang Yolanda sa ating bansa nagtulung-tulong din ang iba’t-ibang sangay ng gobyerno sa Colombia para madaling mahanap ang mga nawawala at malinis ang mga debris sa daraanan.

Mas mapapadali ang pag-rescue kung walang nakasagabal sa mga kalsada at iba pang daraanan kung saan hahanapin ang mga tao.

Halos 40,000 katao ang naninirahan sa Mocoa at walang malinis na tubig at kuryente doon ngayon. Bagay na mas nakakapagpahirap sa paghahanap dahil pagsapit ng dilim ay hindi na gaanong makaapa ang lugar na pupuntahan.

Sa mga ganitong uri ng kalamidad kahit sabihin mong naghahanda sila pagdating ng mismong araw ng pananalanta hindi ka pa din magiging handa dahil wala namang nakakaalam kung anong uri ng kalamidad ang mangyayari.

Marami na ding nagtutulung-tulong na doktor at nurse para gamutin ang mga nasaktan pero nauubusan na ng supply ng dugo sa ospital. Kahit na nawawala ang ilang kamag-anak ng ilang nurse ay mas pinili pa din nilang ttumulong.

Pinaniniwalaan na sa ilalim ng mga putik na makikita sa lugar ay may marami pang katawan ang nakatago.

Patuloy pa ngayon ang pagtatawag sa mga pangalan ng nawawala.

Sa ating bansa ay hindi din malabo na mangyari ito lalo na kung wala tayong pagmamahal sa ating kalikasan at ang iisipin lamang natin ay pagkita ng pera.

Kung patuloy na makakalbo ang ating kabundukan walang mga punong magpipigil sa tubig at sa lupa para magkaroon ng landslide.

Ang ilang mga minahan na hindi sumusunod sa batas at mas pinapahalagahan ang kikitain kaysa sa magiging kaligtasan ng mga taong nakatira sa paligid nito.

Kapag nagkabutas-butas na ang lupa pagdating ng ulan ay maiipon lamang ang tubig doon at darating ang panahon na mananalanta ito at sisira sa mga tahanan na ikalalagay sa peligro ng mga mamamayan.

Sang-ayon ako sa sinasabi ni DENR Secretary Gina Lopez na hindi naman ipinagbabawal ang pagmimina ngunit kailangan nilang sumunod sa mga patakaran ng gobyerno para hindi sila magkaproblema.

Pangalagaan din dapat nila ang kalikasan at yaman ng bansa.

Magkaroon ng pagmamahal sa kalikasan dahil ang kalikasan ang bumubuhay sa atin at napagkukunan ng ating ikabubuhay ngunit ito din ang sasalanta at papatay sa atin kapag hinayaan natin silang masira.

Unti-unting nililinis at pinapaalis sa mga delikadong lugar ang ating mga kababayan para na din mapangalagaan sila. Ang mga nakatira sa gilid ng ilog na maaaring mabiktima ng pagbaha at yung nakatira malapit sa kabundukan.

Yung mga kalat o basura ay hindi din dapat itinatapon kung saan-saan dahil ito ang nagiging dahilan kung bakit bigla na lamang tumataas ang tubig sapagkat nababarahan ang mga kanal na dapat ay magiging daanan nito.

Kapag pinalilikas ay hindi na din dapat magmatigas at kusa na lamang lisanin pansamantala ang inyong mga tahanan dahil para din naman ito sa kaligtasan.

Kung lahat ay magbibigay ng halaga at maaalarma sa maaaring maidulot ng climate change baka sakaling maiwasan o mabawasan man lamang ang mga sakunang tulad nito.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment

TINABUNAN NG PUTIK

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with