3,000 instructors handa na sa Taekwondo Summer Class
MANILA, Philippines - Kabuuang 3,000 Philippine Taekwondo Association (PTA) certified instructors ang handa nang mangasiwa sa two-month 2017 SMART/MVP Sports Foundation Taekwondo Summer Class sa buong bansa.
Ang pinaka-popular na martial art sport sa bansa ngayon, ang taekwondo ay isa sa mga pinakamabisang aktibidad para sa mga bata ngayong bakasyon.
Kabilang sa mga taekwondo lessons na ituturo sa nasabing summer class ay ang dalawang basic Poomsae (forms) moves at limang basic self-defense tactics.
Ang beginner o white belt program ay ipapakilala sa mga batang partisipante ng Korean martial art na kinabibilangan ng basic commands, blocks, stances at kicks.
Matapos ang 20 hanggang 24 sessions ay magiging handa na ang mga beginners sa promotion test para sa yellow belt.
Ang Taekwondo Summer Class ay gagawin sa Metro Manila, Regions 1 hanggang 12, CAR, ARMM, CARAGA, PNPA at AFP.
Ang PTA ay ang National Sports Association (NSA) na kinikilala ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, Department of Education, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines. Miyembro ang PTA ng World Taekwondo Federation, Asian Taekwondo Union, ASEAN Taekwondo Federation at International Olympic Committee.
Para sa iba pang katanungan ay maaaring tumawag sa Central Gymnasium office sa 522-0519.
- Latest