Biado kampeon sa 2017 World 9-Ball
MANILA, Philippines — Matapos ang pitong taon ay isang Pinoy ang muling nagkampeon sa World 9-Ball Championship.
Ito ay matapos talunin ni Carlo Biado ang kababayang si Roland Garcia, 13-5, sa kanilang all-Pinoy Finals sa 2017 World 9-Ball Championship kagabi sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Ito ang ikatlong malaking kampeonato na nakamit ng 34-anyos na si Biado ngayong taon.
Naghari si Biado sa nakaraang World Games at sa Southeast Asian Games.
Nakahanay ngayon ng World No. 7 na si Biado, ibinulsa ang premyong $30,000, sina Pinoy World 9-Ball champions FEfren ‘Bata’ Reyes (1999), Fil-Canadian Alex Pagulayan (2004), Ronato Alcano (2006) at Francisco ‘Django’ Bustamante ( 2010).
Nakamit ni Garcia ang premyong $15,000.
Sinibak ni Biado si Lin Wu Kun ng Chinese-Taipei, 11-6, sa semis game para maisaayos ang pakikipagtipan kay Garcia sa Finals.
Ginulantang naman ni Garcia si reigning World Pool Series Grand Finale champion Klenti Kaci ng Albania, 11-6, sa unang semis match upang masiguro ang kanyang kauna-unahang finals appearance sa isang major event.
Umusad sa semifinals si Garcia nang gapiin si Jalal Al Sarisi ng Venezuela, 11-4, sa quarterfinals.
Magaang naman ang tinahak na daan ni Biado para masiguro ang silya sa Final Four nang magtala ng walk over win laban kay Liu Haitao ng China na nadiskwalipika matapos mahuli ng dating sa venue.
Nagtala si Liu ng 11-10 panalo laban kay Taiwanese Ko Ping Chang sa Last 16.
Matapos ang laro ay nagpahinga si Liu sa hotel na malapit lamang sa venue.
Ngunit nakalimutan ni Liu na mag-alarm.
Tanging No. 9 lamang sa 2017 International 9-Ball Open sa Pengzhou, China ang pinakamaltaas na naabot ni Garcia sa isang major event.
Si Bustamante ang huling Pinoy na nagkampeon sa World 9-Ball noong 2010 edisyon.
- Latest